Wednesday, April 7, 2010

Sa Tahanan Mo O Diyos (isang pag-aalay)


Sinubukan mong tumapak sa bakuran
upang makita mo ang iyong hinahangaan
lingid sa’yong isip ang pinto ng kapalaran
at ang paglipad mo ay di mo na naranasan.

Pangamba’y bumalot sa iyong isipan
iginala ang tingin sa’yong kapaligiran
at nang di na makita ang pakpak na kinagisnan
nangilid ang luha sa kinahantungan.

Nakahanap ka ng kasabay sa daan
pansamantalang naglaho ang ‘yong kalungkutan
at nang lumaon ang kasabay sa lansangan
ay natutong lumipad at ikaw ay naiwan.

Tinunghayan mo nang mabuti ang buong kalangitan
‘di mawari sa isip ang nagawang kamalian
“Ano pa ang silbi ng nga bituin at ng buwan
kung ‘di rin lang makalapit at ‘di mahawakan?”

Sa iyong paglakbay ay mayro’ng namataan
isang lumpong nakatunghay sa sandaigdigan
huminga ng malalim at ito’y nilapitan
ikaw ay nagtanong ng may alinlangan.

“Nandito ka at ikaw ay lumalaban,
‘di ka ba naiinggit sa sangkatauhan?
Lahat sila’y nandoon sa kalawakan
at di mo matitikman ang kanilang karanasan.”

Sumagot ang lumpo: “Walang kasiguruhan
na sila’y makuntento sa nakagawian,
at ‘pag sila’y nagsawa sa kanilang kamunduhan,
kakatok din sila sa aking pintuan.”

-jrdg

No comments:

Post a Comment